Nagtutulungan ngayon ang Anti-Red Tape Authority (ARTA), Department of Information and Communications Technology (DICT) at Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) upang mapabilis ang pag-proseso ng mga COVID-19 related claims.
Partikular na bibigyang solusyon dito ay ang mahinang connectivity ng PhilHealth na nagsasanhi ng backlog sa mga pending application para sa reimbursements ng mga COVID-19 related claims mula sa iba’t ibang hospitals.
Isa sa nakikitang solusyon ni PhilHealth Senior Vice President at Chief Information Officer Arturo Alcantara ay ang pagkuha ng bagong internet provider upang masigurong ‘di papalya ang serbisyo sakaling mag-break down ang kanilang kasalukuyang ginagamit.
Nangako naman si DICT Undersecretary for Emerging Technologies Ali Atienza na aasistihan ang PhilHealth sa problema nito sa mababang cloud storage.