Hinikayat ng Filipino Artist na si Tarantadong Kalbo, o Kevin Eric Raymundo sa totoong buhay ang mga Pilipino na magparehistro para makaboto sa nalalapit na 2022 elections.
Nakilala si Raymundo dahil sa kanyang “Tumindig” artwork na usap-usapan sa social media.
Ang artwork ay inilabas noong July 17 kung saan makikita ang magkakahanay at magkakahilerang mga kamao na nakayuko.
Ang kamao ay mahahalintulad sa “fist bump” na kilalang signature gesture ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa mga unang post, isa sa mga kamao sa artwork lamang ang nakatayo, na sumasalamin na ‘Tumindig’.
Sa programang Biserbisyong Leni sa RMN Manila, sinabi ni Raymundo na ang kanyang artwork ay panawagan sa publiko na maging matalino sa pagboto.
Matapos niyang mai-post ang artwork, maraming tao ang nagdagdag ng kanilang ‘nakatindig’ na kamao bilang pakikiisa.
Aniya, nararamdaman din ng iba ang kaniyang pagnanais na baguhin ang pamamalakad sa pamahalaan.
Binanggit din ni Raymundo ang hindi maayos na paghawak sa COVID-19 response.
Paraan din niya ito para kontrahin ang mga internet trolls ng administrasyon, posibleng red tagging sa ilalim ng kontrobersyal na Anti-Terror Law.
Nakipag-partner din si Raymundo sa artist na si Dakila, para kolektahin ang mga entries at pagsamahin ito sa isang malaking litrato.