Pinatawan ng kaukulang parusa ng Philippine Basketball Association (PBA) si San Miguel Beermen (SMB) forward Arwind Santos matapos isagawa ang monkey gesture para umano’y asarin si TNT import Terrence Jones noong Game 5 ng Commissioner’s Cup Finals.
Ayon sa pamunuan ng PBA, pagmumultahin si Santos ng P200,000 at magsisilbi ng 100 oras para sa community service.
“Walang lugar ang racial discrimination sa basketball at sports in general at sa PBA in particular. Hindi pinahihintulutan ng liga yung mga ganung aksyon, at kung maulit pa, mas mabigat na sanction ang ipapataw natin,” pahayag ni PBA commissioner Willie Marcial.
Maliban sa multa at community service, sasailalim din si Santos sa ilang seminar at counseling tungkol sa equality and racial discrimination.
Ipinatawag ni Marcial ang isa sa star player ng SMB nitong Huwebes ng umaga para pagpaliwanagin sa ginawang pang-iinsulto kay Jones.
Humingi din ng paumanhin si Marcial sa Amerikanong basketbolista hinggil sa hindi inaasahang pangyayari.
“Bilang Commissioner, humihingi ako ng pasensya at pang-unawa kay Mr. Terrence Jones at sa kanyang pamilya. Ang PBA at tahanan para sa lahat, bukas para sa lahat at walang kinikilalang kulay, lahi o paniniwala,” saad ni Marcial.