Manila, Philippines – Naniniwala si DTI Secretary Ramon Lopez na malaking kapakinabangan ang ginawang pagsama-sama ng mga bansang Malaysia, Myanmar, Thailand, Vietnam, Singapore, Brunei, Cambodia, Indonesia, Lao, Hongkong, China at Pilipinas upang lagdaan ang tinatawag na ASEAN – HONG KONG, CHINA FREE TRADE AGREEMENT o AHKFTA at ang ASEAN – HONG KONG, CHINA INVESTMENT AGREEMENT o AHKIA.
Ayon kay DTI Secretary Lopez, naniniwala siyang isang malakas na mensahe ang ipinaaabot nito sa pandaigdigang kalakalan upang makipagsabayan sa mga mayayamang bansa gaya ng Europa.
Paliwanag ni Lopez, ang paglagda sa dalawang kasunduan ay kabilang sa pinaka-inaantabayanan sa mga isinasagawang pagpupulong ng mga Foreign Ministers sa 31st Asean Summit and Related Meeting.
Dagdag pa ni Lopez magbubukas ito ng maraming trabaho para sa mga bansang kasapi ng Asean at oportunidad para sa mga negosyanteng nasa Small and Medium Enterprises.
Giit ni Lopez hindi lamang umano economic growth ang idinudulot ng Economic Ministers Meeting kundi matibay na ugnayan ng bawat miyembro ng kasapi ng ASEAN.