Manila, Philippines – Kinampihan ng mga taga Minorya si Communications Asec. Mocha Uson kasunod ng ginawang pagkundina sa kanya sa iginawad na award ng UST Alumni Association.
Ayon kay Buhay Rep. Lito Atienza na isa ring awardee ng UST Alumni Association, wala namang dapat na maging kontrobersiya sa parangal kay Mocha dahil prerogatibo ng asosasyon na kilalanin ang narating nito mula sa pagiging estudyante ng UST.
Dagdag pa ni Atienza, hindi dapat maliitin ng sinuman si Mocha na isa na ngayong kilalang personalidad.
Para naman sa isa pa ring awardee na si ABS Rep. Eugene Michael De Vera, nirerespeto niya ang desisyon ng UST Alumni na gawaran ng parangal si Mocha at dapat sana’y maging sensitibo ang iba sa pasya ng asosasyon.
Sinabi naman ni ACTS OFW Rep. Aniceto John Bertiz na karapat-dapat na parangalan si Mocha na isa ring dating OFW sa Qatar kung saan miyembro ito noon ng isang banda.
Nauna dito ay isinauli na ni Uson ang parangal matapos na makatanggap ng kaliwa’t kanang bash mula sa mga netizens at mga taga UST.