Unti-unti na umanong nagtatagumpay ang Department of Agriculture (DA) sa laban nito sa African Swine Fever (ASF).
Sa virtual presser sa DA, sinabi ni Assistant Secretary Noel Reyes na noong March 19 ng kasalukuyang taon ay naibaba na sa 178 ang bilang ng mga barangay sa 12 rehiyon na apektado ng ASF.
Nagsimula ang pagbaba ng kaso simula noong Enero na naitala sa 558 na tuluyang bumaba noong Pebrero.
Naitatala na lang ngayon ang ASF sa Masbate, Davao Region at Leyte.
Pinakamataas ang naapektuhang barangay noong Agosto ng 2020 na naitala sa 1,773 na barangay ang tinamaan ng ASF.
Sa kabuuan, mayroon nang mahigit 450,000 na baboy ang pinatay at inilibing dahil sa naturang sakit.
Sinabi naman Edgardo Luzano Assistant Vice President ng Land Bank of the Philippines na nakahanda na silang tumanggap ng aplikasyon para sa pag-avail sa P15 bilyong loan para buhayin ang hog industry.
Aniya, kabilang sa requirement ay ang pagkuha ng biosecurity certification, patunay na may kakayahang mag-operate ng commercial scale na babuyan at kailangang nai-release na sa ASF quarantine ang mga commercial hog raisers.