Naaresto ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) ang sub-leader ng Abu Sayyaf Group (ASG) sa kanilang ikinasang operasyon sa Barangay Caliran, Mabuhay, Zamboanga Sibugay kahapon.
Kinilala ang naarestong Abu Sayyaf na si Jamiul Nassalon, 41-anyos, residente ng Muti, Zamboanga City na may mga alyas na Ustad Amih, Abu Harris, Abu Janar, at Abu Jamih.
Hinuli ito ng mga pulis sa pamamagitan ng warrant of arrest dahil sa mga kasong serious illegal detention with ransom at multiple attempted murder.
Ayon kay PRO 9 Regional Director Brigadier General Jesus Cambay Jr., ang naarestong ASG sub-leader ay sangkot sa pagdukot at pamumugot sa isang Doroteo Gonzales noong 2009 sa Brgy. Buenavista, Zamboanga City, sangkot rin sa pagpapasabog sa bus terminal sa Guiwan, Zamboanga City noong 2012 at pagmassacre sa 8 mangingisda sa Siromon Brgy. Dita, Zamboanga City noong 2017.
Batay pa sa intel report ng PNP, sa ngayon ay bumubuo si Nassalon ng grupo para naman gumawa ng terroristic activity sa Zamboanga Peninsula.