Hinimok ni Senador Imee Marcos ang pamahalaan na bukod sa presyo at kadalian ng pag-imbak at paggamit ay ikonsidera rin ang mga COVID-19 vaccine na ang pag-testing ay sinalihan ng mas maraming taga-Asya.
Tinukoy ni Marcos na mas mababa sa 5% ang lumahok na mga taga-Asya sa mga tinatawag na efficacy trials o pag-testing sa bisa ng tatlong nangungunang kandidatong bakuna na inaprubahan na sa Western countries.
Ayon kay Marcos, base sa mga reports ay 4.7% lang ang mga taga-Asya na lumahok sa Moderna vaccine trials, habang nasa 4.4% lang ang mga Asian na lumahok sa vaccine trials para sa AstraZeneca.
Bagama’t nangunguna ang Pfizer sa pinaka epektibong bakuna na may 95% na bisa matapos ang pag-testing nito, ay 4.3% lang ang kabilang na Asyano sa mga lumahok sa testing, at ang bisa ng bakuna partikular sa mga hindi puti ay mas mababa na nasa 74.4%.
Sinabi rin ni Marcos na ang kawalan din ng malinaw na listahan ng mga lahing Asyanong kalahok sa vaccine trials ang nag-udyok sa mga health expert sa India para manawagan na dapat mas marami ang pangkat-etniko na kasali sa testing bago aprubahan ang mga Western-made na bakuna.
Gamit ang artificial intelligence at bakunang kahalintulad ng sa Pfizer at Moderna, natukoy ng Massachusetts Institute of Technology researchers na mas malabong tumalab sa mga Asyano ang ineksperimentong bakuna kumpara sa mga puti.