Isang aso na nakawala sa bahay sa Florida, United States noong 2007 ang natagpuan sa Pittsburgh, higit 1,000 milya ang layo mula sa pinanggaling lungsod at naibalik sa amo nitong Biyernes, Oktubre 11.
Gutom, nanginginig at mahaba na ang mga kuko nang makita ang 14-taon gulang na toy fox terrier na si Duchess sa isang silong nakaraang Lunes.
Sa pamamagitan ng microchip ni Dutchess, nahanap ng Humane Animal Rescue, kung saan dinala ang aso, ang amo nito sa Boca Raton, Florida.
Bumiyahe mula Boca Raton ang may-ari ng aso na si Katheryn Strang ng 1,100 milya papuntang Pittsburgh para sunduin ang alaga.
Hindi makapaniwala si Strang nang makatanggap ng tawag na buhay pa ang aso na nakawala noong buksan ng 12-anyos niyang anak ang kanilang pinto.
Bagama’t naisip na baka nasagasaan o dinampot na ng iba, palagi pa ring hinahanap ng amo si Dutchess sa mga animal shelter at patuloy na binabayaran at ina-update ang microchip nito.
“They are like your babies. You don’t give up hope,” ani Strang sa mga reporter.