Naging mitsa ng sunog sa isang bahay sa England ang alagang aso na nagawang buksan ang microwave na may naiwang pagkain sa loob, ayon sa awtoridad.
Nagsimula ang apoy sa isang tirahan sa Stanford-Le-Hope noong Lunes ng hapon na naiwang mag-isa sa kusina ang alagang husky.
Ayon sa Essex County Fire Rescue Service, napagana ng aso ang microwave at nasunog ang laman nitong tinapay na nakasupot pa.
Wala sa bahay noon ang amo ngunit napansin niya ang usok na lumalabas sa kusina sa pamamagitan ng camera feed sa kanyang cellphone.
Nabalot na sa usok ang kusina nang dumating ang mga bumbero sa bahay.
Nagbabala naman si Geoff Wheal, manager ng Corringham Fire Station na ang “kakaibang” insidenteng gaya nito ay maaaring mauwi sa mas seryosong sitwasyon.
Ipinaalala ni Wheal ang pag-iwas sa pag-iiwan ng pagkain sa loob ng microwave kapag hindi ginagamit.
“Our advice is to always keep your microwave clean and free of clutter or food and any packaging,” aniya.
“Animals or children can turn them on more easily than you might think, so please don’t run the risk,” dagdag ni Wheal.
Hindi naman nasaktan ang husky, ayon sa ulat.