ASSESSMENT SA LISTAHAN NG MGA TUPAD BENEFICIARIES SA CAUAYAN CITY, DINOBLE

Cauayan City, Isabela- Muling sinuri ng DOLE regional office ang mga nakuhang pangalan ng mga benepisyaryo ng TUPAD o Tulong Panghanapbuhay para sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers program dito sa Lungsod ng Cauayan matapos mapag-alamang ilan sa mga nakuha ay nagsinungaling o hindi nagbigay ng totoong impormasyon noong isinagawa ang interview sa kanila.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ms. Lourmie Romero, PESO Cauayan Officer, natapos na nitong nakalipas na Linggo ang pre-assessment at interview sa ilang mga Cauayeño na pumila para sa nasabing tulong na isinagawa mismo sa Community Center ng barangay District 2.

Una nang sinabi ng TUPAD Coordinator ng DOLE Region 2 na si Ms. Cindy Balisi na nasa 1,343 lamang ang slot para sa Lungsod ng Cauayan subalit ito ay kanilang dinagdagan dahil na rin sa dami ng mga nag-apply.

Ayon kay PESO Cauayan Officer Lourmie Romero, masusing tinitignan ngayon ang listahan ng mga nakuhang pangalan dahil ilan pala sa mga napasama sa list ng DOLE Region 2 ay dati nang nakatanggap ng TUPAD habang ang iba naman ay may maayos na trabaho at dalawang miyembro na sa kanilang pamilya ay nakakuha na ng TUPAD.

Nilinaw ni Romero na isang beses lang mabibigyan ng TUPAD ang isang indibidwal at isang benepisyaryo lamang din sa bawat pamilya ang pwedeng tumanggap ng nasabing ayuda. Prayoridad din sa nasabing ayuda ang mga walang trabaho o nawalan ng trabaho dahil sa pandemya.

Oras naman na makuha ang pinal na bilang ng mga kwalipikadong benepisyaryo ng TUPAD dito sa Cauayan ay uumpisahan na nila ang kanilang pagtatrabaho ng sampung araw sa pamamagitan ng Community service sa kani-kanilang barangay kung saan apat na oras lamang ang kanilang gugugulin sa loob ng kada isang araw.

Pagkatapos naman ng 10 days na community service ng mga benepisyaryo ay tatanggap na ang mga ito ng kanilang sahod na nagkakahalaga ng P3,700.

Sinabi ni Romero na posibleng sisimulan na sa next Week o sa unang Linggo ng Hulyo ang pagtatrabaho ng mga makukuhang benipisyaryo.

Facebook Comments