Dahil mas mabilis na kumakalat ang mga salaysay at mensahe na may kahalong paninira kaysa mga usaping pangkaunlaran, mas ‘toxic’ umano ang eleksyon ngayong taon kumpara sa mga nakaraang halalan.
‘Yan ang obserbasyon ni dating Bureau of Internal Revenue (BIR) commissioner Kim Henares sa negatibong emosyon na nangingibabaw sa panahong ito. Kaya naman aniya, napaka-importante ngayon ang pagpili ng isang mahusay na lider na kayang maghatid sa bansa tungo sa pagbabago na hindi nagdudulot ng pagkamuhi sa isa’t isa ng mga Pilipino o paghahati ng lipunan.
“Itong eleksyon na ito parang masyadong toxic ang mga tao, nag-aaway sila. Kailangan na natin ng isang presidente na nakahandang magserbisyo. Hindi na ho siya (Lacson) mag-aaral. Alam na niya lahat ng dapat niyang gawin,” sabi ni Henares sa panayam ng DZRH radio nitong Huwebes (Abril 21).
Si Henares ang kasalukuyang assistant campaign manager ni Lacson. Aniya, pinili niyang suportahan ang batikang senador sa lahat ng mga tumatakbo sa pagkapangulo dahil sa kanyang kakayahan at walang kapantay na karanasan sa serbisyo publiko—bilang tagapagpatupad ng batas at mambabatas.
“Kasi karamihan naman ng mga batas na magaganda naman ‘yung mga batas ay sila (Lacson at Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III) naman ang gumawa. Ang problema ng Pilipinas ay implementasyon. So, alam na nila kung paano nila i-implement, kasi sila naman ‘yung gumawa niyan,” ani Henares.
“‘Yon na nga ho, kasi napaka-toxic nitong atmosphere, kailangan mo ng isang tao na pwedeng mag-unite sa Pilipinas, at the same time, makakadisiplina sa lahat ng tao, lalo na ang mga pulis. Ang mga pulis, okay naman ‘yan, basta disiplinado ‘yan,” dagdag pa ng dating BIR chief.
Ayon kay Henares, mabibigat na problema ang mamanahin ng susunod na presidente at mas mahirap resolbahin ang mga ito kaysa sa mga pinagdaanan ni dating Pangulong Benigno S. Aquino III sa loob ng kanyang panunungkulan. Kabilang na rito ang malaking utang ng bansa, gayundin ang mga negatibong epekto ng nagpapatuloy na pandemya.
Layunin ni Lacson na maibalik ang tiwala ng publiko sa gobyerno at naninindigan siya na gagawin niya ang lahat ng hakbang para masugpo ang problema ng katiwalian sa buong bansa sa pamamagitan din ng kanyang programa na Budget Reform Advocacy for Village Empowerment (BRAVE).
Umaasa si Henares na mas marami pang botante ang makukumbinsi sa mga mungkahing solusyon ni Lacson para tuluyan nang makaahon ang bansa, lalo na ang mga ordinaryong Pilipino, at hindi sila magpadala sa mga lumalabas na resulta ng pre-election surveys.
“Ang parati naming naririnig is si Ping Lacson ang pinakamagaling, ang pinakahanda, pero hindi siya mananalo. E kung lahat ng tao na nagsasabi na siya ‘yung pinaka-competent at pinakahanda iboto siya ay tingin ko naman ho mananalo ho siya,” aniya.
Sinabi rin ni Henares na sa mga nakalipas na pangangampanya ng tambalang Lacson-Sotto, patuloy nilang sinusuyo ang mga botante na suportahan ang kanilang mga isinusulong na adbokasiya. Nilinaw din niya ang mga diumano’y tsismis na may nagaganap na ‘raffle draw’ sa kanilang campaign rally para makakalap ng suporta.
“Ang ginagawa namin pinupuntahan namin ‘yung mga tao sa ground. Ni-re-recruit namin, para kaming isang movement, hindi lang ho kami isang kampanya. Kaya kunwari may nakikita kayo sa rally ni Ping Lacson, merong nagbibigay ng mga ID, hindi ho ‘yan pang-raffle,” paglilinaw ni Henares.
“Kasi ni-re-recruit namin para sumama sa movement namin, ano, binibigyan ho namin siya ng ID para i-represent na kasama sila sa amin. At saka araw-araw ho ‘yan binibigyan ho namin ng messages tungkol kay Ping Lacson. So, hindi ho ‘yan raffle draw,” saad pa ng assistant campaign manager ni Lacson.