Cauayan City, Isabela- Matagumpay na naibiyahe at dumating sa Lungsod ng Tuguegarao ang Astrazeneca Vaccine kasama ang pangalawang dose ng Sinovac vaccine na nakalaan para sa Lambak ng Cagayan.
Mismong si Regional Director Dr. Rio Magpantay ng DOH 2 ang sumalubong sa mga bakuna na ituturok pa rin sa mga healthworkers sa rehiyon.
Nasa 10,640 dose pa rin ng Sinovac vaccine ang ibinigay sa rehiyon habang nasa 10,720 doses ng AstraZeneca Vaccine naman ang dumating mula sa bansang Belgium.
Matapos ang ginawang pagsalubong, agad na isinailalim sa disinfection at pagsusuri ang mga bakuna bago isinakay sa cold storage van at dinala sa cold storage facility ng DOH Region 02 sa Lungsod ng Tuguegarao.
Ang isang vial ng AstraZeneca Vaccine ay naglalaman ng 10 dose na mas marami kumpara sa Sinovac Vaccine na 1 dose lamang kada isang vial.
Kaugnay nito, nagpapatuloy pa rin ang roll-out ng unang dose ng Sinovac sa mga health workers sa ilang mga ospital sa rehiyon na may edad 19 hanggang 59 taong gulang.
Ang AstraZeneca vaccine ay maaari nang iturok sa mga Senior Citizen na may edad 60 pataas.