Manila, Philippines – ‘Malaking sampal sa kanilang hanay.’
Patutsyada ito ni Philippine Army 4th Infantry Division Commander Major Gen. Ronald Villanueva sa nabigong pag-atake ng NPA sa Binuangan Municipal Station sa Misamis Oriental.
Dagdag pa ni Major General Villanueva, patunay lamang na malakas pa rin ang suporta ng sibilyan sa mga otoridad sa mga plano ng rebeldeng NPA matapos makapaghanda umano ang PNP nang sumalakay ang mahigit 200 na rebeldeng grupo.
Kinundena naman ng Philippine Army ang naturang pagsalakay dahil sa pagkamit ng mga civilian properties tulad ng pagtangay ng dalawang trak na kanilang sinakyan at mga bahay na kanilang pinagtataguan sa mga otoridad na naghahanap sa kanila.
Paliwanag pa ni Villanueva na patunay lamang ito na ang mga rebeldeng NPA ay walang pakialam sa mga kaligtasan ng mga inosenteng sibilyan na posibleng madamay sa engkwentro.
Dagdag pa ni Villanueva na binabantayan na rin nila ang mga nagbabalak na magbigay ng financial support sa mga rebeldeng NPA upang isakatuparan ang kanilang mga pagsalakay sa kanayunan.
Giit pa ng heneral na inaasahan na umano nila ang mga gagawing pagsalakay ng mga rebeldeng NPA matapos na wakasan ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno ng CPP-NPA-NDF.