ATROCIOUS | Pagtanggal ng Filipino at Panitikan bilang core course sa kolehiyo, tinawag na kahindik-hindik

Manila, Philippines – Tinawag na atrocious o kahindik-hindik ni National Artist for Music Ramon Santos ang pagtanggal ng Filipino at Panitikan bilang core course sa kolehiyo.

Sa isang forum na inorganisa ng grupong Tanggol Wika sa UP Diliman, mariing sinabi ni Santos na napakasamang desisyon ito dahil ang Filipino ay pambansang wika ng mga Pinoy.

Nadismaya ang National Artist for Music dahil ipinapakita nito ang kakulangan ng Commission on Higher Education (CHED) ng pang-unawa sa malaking ambag ng wikang Filipino at panitikan sa paghubog ng kamalayan ng mga mag-aaral para pahalagahan ang katutubong kultura.


Aniya, ang mga kursong ito ay matibay na instrumento sa pagkabuo ng makabayang aspirasyon ng mga mag-aaral at pinoprotektahan sa ilalim ng konstitusyon.

Idinagdag ni Santos ang kaniyang pirma sa isang petition na ipinapaikot ng Tanggol Wika para hilingin sa korte na ipahinto ang CHED order.

Bagaman at hindi nakadalo dahil sa iniindang pilay, nagpahayag din ng pagsuporta si National Artist for Literature Bienvenido Lumbera sa pangangalampag ng mga kaguruan at ibang grupo sa pagtatanggol sa wikang Filipino.

Facebook Comments