Atty. Larry Gadon, nakahanda sa pag-cross examine ng kampo ni CJ Sereno

Manila, Philippines – Nakahanda umano si Atty. Larry Gadon, ang pangunahing complainant sa impeachment case na inihain laban kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno, sa pagsailalim sa kanila sa cross-examination.

Ito ay bunsod na rin ng paggiit ng kampo ni Sereno sa isinumiteng liham sa Kamara na payagan ang mga abogado ng Punong Mahistrado na magtanong direkta sa mga testigong ipiprisenta ni Gadon.

Ayon kay Gadon, nakahanda ang kanyang mga saksi pati na rin siya na sumagot sa mga ibabatong tanong ng kampo ni Sereno.


Aniya, ito ang inaabangan niya para mabigyang linaw ang mga basehan ng reklamong inihain laban sa Chief Justice.

Mayroon na umano siyang anim na mahistrado na nasa listahan na balak niyang kausapin para humarap sa House Committee on Justice.

Kasabay nito ay naghain ng sagot si Gadon sa reply na inihain noong Lunes ng kampo ni Sereno na itinatanggi ang mga alegasyon.

Giit nito, puno ng kasinungalingan at palusot ang ginagawa ng Chief Justice sa kanyang reklamo.

Binigyang diin muli ni Gadon ang hindi tamang pagdedeklara ng SALN, pagbili ng mga mamahaling sasakyan at ang labis na paggamit nito ng kapangyarihan sa Korte Suprema.

Facebook Comments