Atty. Melvin Matibag, pinaalis sa pagdinig ng Senado ukol sa pondo ng DOE

Idineklarang “out of order” at pinaalis sa budget hearing ni Finance Subcommittee Chairman Senator Win Gatchalian si Atty. Melvin Matibag na president at CEO ng National Transmission Corporation (TRANSCO).

Ginawa ito ni Gatchalian, makaraang akusahan ni Matibag na pamumulitika lang daw ang pagdinig ukol sa budget ng Department of Energy (DOE) kung saan isiniwalat ni Senator Manny Pacquiao na may anomalya o patong sa pagkakaroon ng dalawang market operator sa pagpapatakbo ng Wholesale Electricity Spot Market (WESM).

Ikinagalit ni Gatchalian ang inasal ni Atty. Matibag kaya’t agad itong inalis bilang participant sa virtual hearing.


Una rito ay ibinulgar ni Pacquiao na isa sa incorporator ng market operator na Independent Electricity Market Operator of the Philippines (IEMOP) at dating services corporate head ng isa pang market operator na Philippine Electricity Market Corporation (PEMC) ay misis ni Atty. Matibag na si Laguna Provincial Board Member Maria Ann Lourdes Matibag.

Ayon kay Pacquiao labag sa Electric Power Industry Reform Act of 2001 (EPIRA) ang sabay na WESM ng PEMC at IEMOP.

Giit ni Gatchalian, mali at wala sa lugar na insultuhin ni Matibag ang komite at ang kanilang pagdinig dahil karapatan ng mga senador na magtanong ukol sa mga patakaran o policy decision ng DOE.

Facebook Comments