Kinumpirma ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles na itinalaga ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., si Atty. Victor Rodriguez bilang Presidential Chief of Staff.
Ito ay matapos na ianunsyo mismo ni Atty. Rodriguez na siya ay nagbitiw na bilang Executive Secretary o little president dahil daw sa pagiging matrabaho ng pwesto.
Ayon kay Secretary Angeles, ang bagong posisyon ni Atty. Rodriguez ay binuo nito lamang weekend sa pamamagitan ng Administrative Order No. 1 na pirmado ng pangulo.
Sakop ni Atty Rodriguez ang Office of the Presidential Chief of Staff (OPCOS) na nasa direct supervision ng presidente.
Pangunahing function ng tanggapang ito ay matiyak na efficient at responsive ang araw-araw na operational support para sa presidente upang makatutok sa strategic national concerns.
Batay naman sa Administrative Order No. 1, tutulong ang Presidential Management Staff (PMS) at ang Office of the Press Secretary (OPS) sa operasyon ng Presidential Chief of Staff.