Ikinokonsidera ng Pilipinas ang Australia bilang ‘close partner’ kasunod ng pagsuporta nila sa arbitral ruling sa South China Sea.
Ayon kay Presidential Assistant on Foreign Affairs Robert Borje, nagpapasalamat si Pangulong Rodrigo Duterte sa Australia sa isang “open” at “productive” na talakayan kasama si Prime Minister Scott Morrison para sa palakasin ang bilateral relations ng dalawang bansa.
Katuwang ng Pilipinas ang Australia sa pagtataguyod ng international law, kabilang ang United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at pagsusulong ng maritime security.
Bukod dito, napag-usapan din nina Pangulong Duterte at Prime Minister Morrison ang pag-adopt ng Plan of Action para ipatupad ang Joint Declaration of the Philippines-Australia Comprehensive Partnership.
Nagpasalamat din ang Pangulo sa Australia sa pagbibigay ng tulong sa mga naapektuhan ng mga nagdaang bagyo.
Tinalakay din ang pagpapatibay ng cooperasyon ng Australia sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) lalo na sa maritime security, counterterrorism, cybersecurity at paglaban sa plastic waste pollution.
Nitong Hulyo, nagpadala ang Australia ng diplomatic note sa UN kung saan hindi nila tinatanggap ang pag-angkin ng China sa South China Sea dahil wala itong basehan.