Ipinagpasalamat ni Department of National Defense (DND) Secretary Delfin Lorenzana ang donasyon ng Australia na isang milyong dolyar para sa expansion ng V. Luna Medical Center.
Kinumpirma mismo ito ni Australian Defense Minister Linda Reynolds kay Lorenzana sa kanilang pag-uusap sa telepono noong May 21.
Ipinagkaloob ng Australia ang donasyon sa pamamagitan ng Enhanced Defense Cooperation Program (EDCP).
Ipambibili ito ng hospital equipment para sa 30-bed expansion ng V. Luna Medical Center Infectious Diseases Ward.
Sinabi ng kalihim na umaasa siya na sa pamamagitan ng donasyon ay matatapos sa lalong madaling panahon ang expansion ng infectious diseases ward para magamit ngayong may problema sa COVID-19 ang bansa.
Kaugnay nito, nagpasalamat naman si Minister Reynolds kay Lorenzana sa tulong ng gobyerno sa pag-evacuate ng mga Australians mula sa Pilipinas sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Pinuri rin ng Australian official ang liderato ng Pilipinas sa mahusay na pagpapatupad ng National Action Plan Against COVID-19.
Natalakay din ng dalawang opisyal ang ibang mga isyu na may kinalaman sa terorismo at overall regional security.