Australia, pinag-iingat ang Pilipinas sa pagdomina ng China sa Pacific telecommunications

Naniniwala ang mga otoridad sa Australia na ang hakbang ng mobile network ng China na tulungan sa pagkakautang ang telecom company na Digicel ay pagpapakita ng pagkontrol sa Pacific region.

Nabatid na ang pagtulong ng Chinese state-owned telcom sa Digicel na isang malaking mobile network company sa western Pacific sa pagkakautang nito na umaabot sa 6-billion US dollars ay isang paraan upang mapalawak ang kapangyarihan ng Beijing sa western Pacific.

Una nang binigyang diin ni dating Bayan Muna Partylist Representative at National Union of People’s Lawyers Chairman Neri Colmenares na mayroong malakas na pwersang militar ang China na isang banta, hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa South China Sea at sa Pacific region.


Giit ni Colmenares, posibleng panghimasukan ng China ang karapatan ng isang bansa sa pamamagitan ng pagkontrol sa energy at telecom sector na hindi malayong mangyari sa Pilipinas.

Sa inisyatibo ni Colmenares, nagsama-sama ang mga advocate group at binuo ang “Citizens for Philippine Security” na naglalayong tugunan at ilahad ang patuloy na banta ng China sa national security ng Pilipinas.

Sinabi ni Colmenares na ang dalawang state-run Chinese companies na China Mobile at ChinaTel ay may mandato sa ilalim ng “Article 7 ng China’s Intelligence Law” na nag-aatas na dapat suportahan at makipag-tulungan sa intelligence work ng estado.

Giit ng Department of Foreign Affairs at Trade ng Australia, nais ng kanilang gobyerno na makita ang infrastructure investment sa Pacific region na transparent, malago, matatag, at matiyak ang mataas na kalidad, pero sa mababang halaga para sa publiko at sa negosyo.

Ang pagkabahala ng Australia ay kasunod ng panghihimasok ng China na maaaring magresulta sa seguridad ng telecommunication services sa Pacific region.

Katulad ng ginawa ng Estados Unidos na i-ban ang China sa pakikilahok sa paggawa ng HKG-LAX submarine cable, inihayag ng Australian Government Coalition sa pangunguna ni Malcolm Turnbull na dapat pigilan ang Huawei na maging parte ng major broadband network sa Solomon Islands, Papua New Guinea hangang Sydney na nasa ilalim ng telecommunications coverage ng Digicel.

Ayon kay Turnbull, malaki ang posibilidad na kontrolin at idomina ng China mobile ang Pacific arena.

Kapag nagkataon aniya ay nasa posisyon na ang China para kontrolin ang South China Sea o mas kilala bilang West Philippine Sea at Pacific Ocean, hanggang sa Australia at ilang boundaries ng Amerika.

Para matiyak ang kanilang ganap na pagkontrol sa South China Sea, pinangalanan ng China ang ilang bahagi ng pinag-aagawang teritoryo sa Spratly Island bilang Xisha at Nansha Districts na parte umano ng Hainan province.

Kaya ang paghihimasok ng telecom ng China sa western Pacific telecommunications ay isang maituturing na geostrategy na layong maapektuhan ang organizing alliances tulad ng the Quad na kinabibilangan ng Australia, United States, Japan, India at ilang ASEAN member-countries.

Facebook Comments