
Isinusulong ni Proactive Response and Oversight for Timely and Effective Crisis Strategy (PROTECT) Committee Chairman Senator Sherwin Gatchalian ang pag-institutionalize sa “automatic inflation triggered-funding” para sa social assistance program lalo na kapag ang presyo ng pagkain, transportasyon at utilities ay umabot sa kritikal na antas.
Ang naturang panukala ay rekomendasyon ng Senate PROTECT Committee sa Malacañang na layong mabigyang kaluwagan ang mga kababayan mula sa epekto ng nagpapatuloy na gulo sa Middle East.
Sa ilalim ng proposal, ang mga kasalukuyang benepisyaryo tulad sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ay awtomatikong makatatanggap ng tatlong buwang cash top-up kung mangyari ang alinman sa mga triggers:
• kapag ang headline inflation ay lumampas sa 4%;
• ang food inflation ay humigit sa 5 percent; -kapag ang inflation sa transportasyon o fuel ay nagtulak sa pangkalahatang inflation nang hindi bababa sa 1% sa loob ng isang buwan; at
• kung tumaas ng P10 kada litro ang fuel price sa loob din ng isang buwan.
Sinabi ni Gatchalian na tinitiyak ng mekanismo na kapag umabot na sa threshold ang mga nabanggit na triggers, agad na makatatanggap ang mga benepisyaryo ng dagdag na buwanang cash grant sa loob ng nakatakdang panahon at hindi na kinakailangan pang maghintay ng panibagong programa o approval.
Batay sa report ng komite, nasa P1,151 monthly purchasing power ang maaaring mawala sa mga mahihirap na tahanan at bagamat mas malaki ang mawawala sa mga higher-income families, mas apektado ng krisis ang mga pamilyang may mababang kita.










