Brutal na pinatay ng kanyang employer ang OFW na si Jeanelyn Villavende sa bansang Kuwait.
Ito ang lumabas sa autopsy report ng National Bureau of Investigation- General Santos City sa kahilingan ng Trade Union Congress of the Philippines.
Sa media forum sa Maynila, sinabi ni Allan Tanjusay, tagapagsalita ng ALU-TUCP na iba ang resulta ng autopsy report ng NBI sa findings ng autopsy report ng Kuwaiti authorities sa mga labi ni Jeanelyn.
Malinaw aniya na nagkaroon na ng white wash sa imbestigasyon sa kaso ng Kuwaiti government.
Kaugnay nito, umapela na sa Duterte administration ang ALU-TUCP na dapat nang kundenahin ang Kuwaiti government at ipatupad na ang total deployment ban ng mga manggagawa sa nasabing bansa.
Inirerekomenda na rin ng TUCP ang tuluyang pagkansela sa lisensiya ng recruitment agency ni Jeanelyn at hindi lang pagsuspendi.
Bago ang nangyaring pagpatay sa OFW, may mga reklamo na ito na ipinarating sa ahensiya ngunit hindi tinugunan.
Sabi pa ni Tanjusay, darating bukas sa espesyal na pagdinig ng Kamara ang NBI para isumite ang kanilang autopsy report.
Ipinagpaliban na rin muna nila ang imbitasyon sa pamilya ni Jeanelyn para humarap sa kamara hangga’t hindi pa nalilibing ang mga labi ng OFW.