
Hiniling ni Vice President Sara Duterte ang permanenteng pagbabawal sa pagdaraos ng motorcades at vehicle caravans bilang paraan ng pagprotesta.
Ayon kay VP Sara, nagiging dahilan umano ito ng pagtaas ng konsumo sa langis sa gitna ng sunod-sunod na oil price hike.
Bukod dito, nagpapalala rin aniya ito ng air at noise pollution at nagdudulot ng mabigat na daloy ng trapiko.
Sinabi ng bise presidente na bagama’t nauunawaan niya ang galit ng ilang mamamayan sa administrasyon at ang pagpapakita ng suporta kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa pamamagitan ng motorcade, maaari namang maghanap ng alternatibong paraan sa pagdaraos ng protesta.
Ginawa niya ang pahayag sa gitna ng ulat na maraming Overseas Filipino Workers ang nawawalan ng trabaho kasabay ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Umapela rin ang bise presidente sa mga Local Government Unit na permanenteng ipagbawal sa kanilang mga nasasakupan ang pagdaraos ng motorcades at vehicle caravans, maging sa mga selebrasyon, pista, o pampulitikang aktibidad.










