Award-winning director na si Peque Gallaga, pumanaw na

FILE PHOTO

Pumanaw na sa edad na 76 ang batikang direktor na si Peque Gallaga dahil sa kumplikasyon ng dating health condition.

Binawian ng buhay si Direk Peque, o Maurice Ruiz de Luzuriaga Gallaga sa tunay na buhay, nitong Huwebes sa Riverside Medical Center sa Bacolod City.

Sa ulat ng PEP.ph, sinabi raw ni Madie Gallaga na hindi na makapagsalita ang kaniyang asawa simula pa noong Lunes, Mayo 4.


Naulila ng premyadong direktor ang misis na si Madie at limang anak na sila Bing, Datu, Jubal, Michelle, at Wanggo.

Si Gallaga ang nasa likod ng mga pelikulang “Ang Kabit ni Mrs. Montero,” “Magic Temple,” “Scorpio Nights,” “Shake, Rattle and Roll,” at “Magic Kingdom,” kung saan siya nagwagi  bilang 1996 Metro Manila Film Festival (MMFF) Best Director.

Siya rin ang may obra ng 1982 classic film na “Oro, Plata, Mata”, na pinagbidahan nina Sandy Andolong, Cherie Gil, at Joel Torre.

Bukod sa pagiging award-winning director, gumanap din si Gallaga sa mga pelikulang “Tatlong Taong Walang Diyos,” “Lucio & Miguel,” “Jose Rizal,” “Enteng Kabisote 4”, at
“Si Agimat at si Enteng Kabisote.”

Umani rin ng pagkilala ang Negrense direktor sa 1976 Gawad Urian Awards para sa production design ng pelikulang “Ganito Kami Nuon, Paano Kayo Ngayon?”; 1983 International Film Festival of Flanders-Ghent sa Belgium, at sa 2004 Gawad CCP Para sa Sining.

Facebook Comments