Cauayan City, Isabela- Tumaas umano ang awareness o kamalayan ng mga mamimili sa pamamagitan ng online shopping ayon sa Department of Trade and Industry (DTI) Isabela.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay DTI Information Officer Chary Anne Gauani, mangilan-ngilan nalang din umano ang naloloko sa ngayon kumpara noon na dagsa ang natatanggap na reklamo matapos maloko ng online seller.
Kaugnay nito, patuloy naman ang pagpapaigting ng ahensya sa Consumer Advocacy na layong paalalahanan pa rin ang publiko sa kanilang hakbang sa pamimili online.
Binigyang diin nito na kailangan pa rin na mayroong sapat na kaalaman ang mga consumer tulad ng dapat tiyakin na may ‘label’ ang mga produktong bibilhin upang masiguro na hindi nakakaapekto ito sa kalusugan o anumang maaaring masamang dulot nito sa tao.
Halimbawa na lamang dito ang bibilhing gamot o pagkain kung saan dapat siguraduhin ang pagkakaroon ng sapat na impormasyon sa mga produkto gaya ng ‘expiration date’.
Samantala,mahalaga aniya na malaman ng publiko ang kanilang karapatan sa bawat pagbili ng anumang klase ng produkto.
Pinaalalahanan naman ni Gauani ang mga consumer na maging mapanuri sa mga binibili online upang makaiwas sa anumang nakakapanlumong sitwasyon.