Away ng Mag-asawa, Problemang Naidudulog sa WCPD ng PNP Ilagan!

City of Ilagan, Isabela – Tanging away ng mag-asawa ang naidudulog na problema sa tanggapan ng Women and Children’s Protection Desk (WCPD) sa Ilagan Police Station mula sa buwan ng Enero hanggang nitong nakaraang buwan ng November, 2018.

Ito ang naging pahayag ni Police Inspector Lorna Baggayan, ang Chief ng Women and Children’s Protection Desk ng PNP Ilagan sa programang Sentro Serbisyo.

Aniya, karamihan ay selos at hinala ang pinagmumulan ng away ng mga mag-asawa, ang problema sa pinansyal at ang problema sa paglalasing at pag-uwi ng madaling araw ng mga mister.


Pagpapayo naman umano ang unang ginagawa ng pamunuan ng WCPD sa mga mag-asawa at walang humahantong sa paghihiwalay.

Sinabi pa ni Police Inspector Baggayan na umaabot sa sampong kaso sa isang buwan ang problema ng mag-asawa ngunit karamihan ay idinadaan sa magandang pag-uusap.

Samantala, wala naman umanong naitatalang mga inaabusong bata sa lungsod ng Ilagan ngunit may ilan lamang umano na inuutusan na gumawa ng hindi maganda lalo na sa mga batang hindi na nag-aaral dahil sa kahirapan ng buhay.

Gayunman ay naresolba na umano ito ng WCPD at DSWD sa pamamagitan ng pagkausap sa mga magulang ng mga bata na gumagawa ng hindi maganda sa labas ng kanilang mga bahay.

Facebook Comments