AWAY POLITIKA? | Natalong kandidato sa pagka-barangay chairman, patay sa pamamaril

Antipolo City – Pinagbabaril hanggang sa mapatay sa loob mismo ng kanyang bahay ang natalong kandidato sa Barangay Chairman sa Sto Nino Street Brgy. San Isidro Antipolo City.

Sa inisyal na impormasyon mula kay Police Superintendent Serafin Petalio ang hepe ng Antipolo City Police kinilala lamang ang napatay na si Rodolfo ‘Rudy’ Lico.

Lumalabas sa imbestigasyon ng Antipolo City Police na nagpanggap na delivery boy ng lbc courier service ang lalaking suspek.


Sabi ni Colonel Petalio, mismong ang body guard ni Lico na si Alfred Palanca ang nagpapasok sa suspek sa loob ng bahay dahil ito lamang umano ang maaring kumuha ng brown envelope.

Paglabas aniya ng target na si Lico ay inupakan na ito ng sunud-sunod na putok ng baril saka isinunod na paputukan si Palanca at isa pang kasama na si Tony Salandra.

Nasa Clinica Antipolo na ang dalawang nasugatan.

Mabilis na tumakas ang suspek kasama ang isa pa na sakay ng naka-abang na motorsiklo.

Paliwanag ni Colonel Petalio, land grabbing ang isa sa pinakamalapit na anggulo na kanilang tinututukan sa pagkamatay ng talunang barangay chairman.

Batay sa record ng Barangay San Isidro at Antipolo City PNP, maraming mga kaso si Lico na may kinalaman sa pangangamkam ng lupa.

Ani ni Colonel Petalio, hindi na sila nakatutok pa sa anggulo ng pulitika dahil kung ito man ang dahilan ng pagpatay ay isinagawa ito dapat noon pang bago o araw ng eleksyon.

Facebook Comments