*Cauayan City, Isabela- *Arestado ang isang nag-AWOL (Absence Without Leave) na sundalo habang nakatakas naman ang iba pa nitong kasamahan matapos maaktuhan sa pag-iingat ng mga illegal na nilagaring kahoy sa pagitan ng Brgy. San Salvador at Brgy. Buselelao, Echague, Isabela.
Sa nakuhang impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan mula sa Isabela Police Provincial Office (IPPO), nakilala ang nadakip na suspek na si Armel Baquiran, 40 anyos, walang asawa, at residente ng Brgy. Dammang West, Echague, Isabela.
Lumabas sa imbestigasyon ng PNP Echague, agad na nirespondehan ng mga kasapi ng pulisya sa pangunguna ni P/Capt. Geriyell Frogoso, OIC katuwang ang 2nd Isabela Provincial Mobile Force Company (IPMFC) ang kanilang natanggap na sumbong mula sa mga barangay officials kaugnay sa mga nakitang nilagaring kahoy.
Nang makarating sa lugar ang mga otoridad ay kumaripas sa hindi malamang direksyon ang apat na kalalakihan na may dala-dalang mga pinutol na kahoy matapos mamataan ang mga paparating na mga pulis subalit nadakip pa rin ang isa sa mga suspek.
Nakumpiska mula sa pag-iingat ni Baquiran ang isang backpack na may lamang limang (5) bala ng Cal. 45, tatlong (3) magazine ng M16 Rifle na may 68 piraso ng bala at isang granada.
Dinala na sa himpilan ng pulisya ang suspek at mga narekober na tinatayang 1,000 boardfeet ng pinutol na kahoy para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.
Sa pinakahuling panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay P/Capt. Geriyell Frogoso, Deputy Chief ng PNP Echague, kanyang kinumpirma na pagmamay-ari ni Baquiran ang mga nakumpiskang kahoy at siya’y mahaharap sa kasong paglabag sa PD 705 (Forestry Code of the Philippines), RA 10591 “Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act” at paglabag sa RA 9516 o Illegal Possession of Explosives.