Upang ipakita na masigla ang ugnayan ng gobyerno at pribadong sektor sa paglaban sa COVID-19, nagpakita ng suporta ang Ayala Corporation sa Task Force T3 (Test, Trace, and Treat) bilang layunin nitong pabilisin at pataasin ang kapasidad ng healthcare system na labanan ang COVID-19.
Itinayo ng Ayala ang lahat ng testing booths sa apat na mega swabbing centers na bubuksan ngayong linggo.
Kasama rito ang Palacio de Maynila Tent sa Roxas Boulevard, Mall of Asia Arena sa Pasay City, Enderun Colleges sa Taguig City at Philippine Arena sa Bulacan.
Layunin ng mega swabbing centers na ma-swab ang 55,000 katao sa kalakhang Maynila sa susunod na tatlong linggo.
Samantala, 125,000 katao ang na-swab sa buong bansa sa nakaraang tatlong buwan.
Priority ng malaking swabbing operation na ito ang 25,000 repatriated Overseas Filipino Workers (OFWs) na kasalukuyang naka-quarantine sa hotels at iba pang pasilidad.
Target din nitong ma-swab ang halos 30,000 katao na COVID-19 suspects na kinabibilangan ng health workers na madalas ay exposed sa virus.
Patuloy naman ang suporta ng Ayala Group of Companies sa iba’t ibang proyekto ng gobyerno sa iba pang lugar upang alalayan ang gobyerno sa paglaban sa virus.