Manila, Philippines – Idinetalye ni Pangulong Rodrigo Duterte ang dahilan kung bakit hindi siya dadalo sa 12th Asia-Europe Meeting sa Brussels, Belgium sa Oktubre.
Sa kanyang talumpati sa ika-45 anibersaryo ng National Economic and Development Authority (NEDA) sa Pasig, sinabi ng Pangulo na ayaw niyang bigyan ng pagkakataon ang mga kritiko na insultuhin siya sa nasabing pagtitipon.
Aniya, mismong si European Council President Donald Tusk ang nag-imbita sa kanya pero wala siyang dahilan para tumungo doon dahil sa kakaibang pananaw ng mga ito sa kanya.
Nauna nang sinabi ni European Union (EU) Ambassador to the Philippines Franz Jessen na ang pagdalo ng Pangulo sa summit ay paraan para magkaroon ng positibong pananaw si Pangulong Duterte sa regional bloc.