Manila, Philippines – Hiniling nila AGRI partylist representative Delphine Gan-Lee at Orestes Salon na maisabatas na agad ang House Bill 6923 o ang pagpapalakas sa Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC).
Sa ilalim ng panukala, may nakapaloob na P5 billion hanggang P10 billion na crop insurance bilang ayuda sa mga magsasaka na maaapektuhan ng kalamidad.
Maliban sa crop insurance, mayroon ding life at accident term insurance na ipagkakaloob para sa mga magsasaka at mangingisda.
Samantala, pinamamadali ni AGRI partylist Secretary General Benjie Martinez ang pamahalaan sa paglalabas ng calamity fund bilang pantulong sa mga magsasaka na biktima ng bagyong Ompong.
Ang ayudang ito ay ipinabibigay sa mga lalawigan na lubhang sinalanta ng bagyong Ompong kasama dito ang Cagayan Valley, Ilocos at Cordillera Regions.
Halos lahat ng mga pananim at sakahan sa mga nabanggit na lugar ay sinira ng kalamidad.
Aabot sa 250,730 toneladang palayan ang nasira matapos ang pananalasa ng bagyong Ompong.