Manila, Philippines – Tiniyak ni Special Assistant to the President Secretary Bong Go na hindi palalampasin ng pamahalaan ang isa pang kaso ng pagkamatay ng Overseas Filipino Worker sa Saudi Arabia.
Noong 2016 ay namatay si Ronald Jumamoy sa Saudi Arabia dahil umano sa pagmamalupit ng kanyang amo.
Dumulog kasi kina Secretary Go at Labor Secretary Silvestre Bello III ang pamilya ni Jumamoy para humingi ng tulong para maresolba ang kaso at mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng kanilang mahal sa buhay.
Kaya naman sinabi ni Go sa mga ito na sisilipin ng Pamahalaan ang kasong ito at kabilang sa aalamin nila ay kung nagkaroon ba ng kapabayaan ang ilang opisyal ng pamahalaan.
Nitong nakaraang sabado naman ay personal na nakaharap ni Pangulong Rodrigo Duterte ang OFW na sinabuyan ng kumukulong tubig ng kanyang amo sa Saudi Arabia na may 4 na taong nang nakalipas.
Tiniyak ni Pangulong Duterte kay Pamhima Alagasi na sisikapin ng kanyang pamahalaan na mabigyan ng tulong ang mga Pilipinong nangangailangan sa buong gitnang silangan habang napapanatili ang magandang relasyon ng Pilipinas sa mga ito.