‘Ayuda muna bago ang lahat’, panawagan ni VP Leni para sa mga pamilyang apektado ng ECQ

Ipinanawagan ni Vice President Leni Robredo ang pagkakaroon ng mas mabilis at mas episyenteng pamamahagi ng ayuda.

Ito ay bilang pagkonsidera sa kapakanan ng mga Pilipinong mawawalan ng kita at hanapbuhay dahil sa muling pagsailalim ng Metro Manila sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) na nagsimula na ngayong araw.

Ayon sa Pangalawang Pangulo, responsibilidad ng administrasyon na tiyaking walang Pilipinong magugutom sa gitna ng paghihigpit sa community quarantine sa Metro Manila.


Ipinunto naman ni VP Leni na bilang pangatlong deklarasyon ng ECQ sa kapital na rehiyon, ay dapat plantsado na ang mga proseso ng pamahalaan sa pamimigay ng ayuda sa bawat pamilyang apektado ng lockdown.

Kaya’t mungkahi ni VP Leni, sa halip na ilabas ang bilyon-bilyong pondo para sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), ipagpaliban muna ito at ilaan sa distribusyon ng ayuda.

Handang-handa naman ang opisina ni VP Leni na tumulong sa mga komunidad at mga indibidwal na maaapektuhan ng COVID-19.

Facebook Comments