AYUDA | P152-M target makamit ng IFRC at Red Crescent Societies

Inulan ng monetary pledges at logistical support ang Philippine Red Cross (PRC) kasunod nang kanilang apelang tulong para sa mga biktima ng bagyong Ompong.

Inilunsad din International Federation of Red Cross at Red Crescent Societies ang emergency appeal na layong kumalap ng 2.7 million-Swiss franc (P152 million) upang ayudahan ang nasa 100,000 indibidwal mula sa mga apektadong komunidad sa loob ng 12 buwan.

Una nang naglaan ang IFRC ng 83,000 Swiss francs (P4.8 million) para sa disaster relief emergency fund kung saan 67,500 Swiss francs dito ay galing sa Netherlands Red Cross.


Samantalang ang Qatar Red Crescent Society ay nangako ng US$100,000 (P5.4 million) habang ang Spanish Red Cross ay nagpledge ng 350,000 euros (P22 million).

Maliban sa tulong pinansyal nagkaloob ang Australian Department of Foreign Affairs and Trade ng 5000 packs ng non-food items na kinabibilangan ng sleeping mats, blankets, hygiene kits at tarpaulin mats.

Ang German Red Cross naman ay nagpakita ng suporta sa PRC chapters Ilocos Norte, Ilocos Sur at Kalinga.

Ang Australian Red Cross at Canadian Red Cross ay nangako ng karagdagang manpower support at emergency field hospital.

Ayon kay PRC Chairman Richard Gordon masaya siya dahil sa kaliwat kanang tulong na ipinagkakaloob ng kanilang international partners para sa ating mga kababayang naapektuhan ng bagyong Ompong.

Facebook Comments