Mabibigyan din ng ayuda ang mga “household” na apektado ng COVID-19 sa ilalim ng Bayanihan 3.
Ito ang pahayag ni Ways and Means Chairman Joey Salceda sa kabila ng pag-amin ni Budget Secretary Wendel Avisado na walang mahuhugutan ng pondo ang pamahalaan para sa isinusulong na ₱405.6 billion na Bayanihan to Arise as One Act.
Ayon kay Salceda, mayroong nakapaloob sa Bayanihan 3 na ₱5,000 hanggang ₱10,000 na ayuda para sa bawat household na apektado ng COVID-19 pandemic.
Paglilinaw ni Salceda, hindi ito ‘universal’ tulad sa ₱2,000 o ₱216 billion cash assistance na kung saan lahat ng 108 million na mga Pilipino ay makakatanggap.
Aniya, ang household ayuda na ito ay ‘targeted’ at ibabase sa pinakamahihirap na bahagi ng populasyon.
Samantala, tiniyak naman ni Salceda na ang isinusulong ng Kongreso na pagpopondo sa Bayanihan 3 ay magmumula sa mga bagong revenue streams dahil ikinokonsidera nila na anumang sources na mayroon ngayon ay posibleng nagamit na rin sa ilalim ng regular budget.
Bunsod nito ay magpupulong ang liderato ng Kamara kasama ang mga economic managers sa May 12 upang maplantsa ang anumang pagkakaiba sa pagitan ng ‘spending side’ at ‘revenue side’.