Iginiit ni Senator Risa Hontiveros sa pamahalaan na dapat bigyan ng ayuda ang pamilya ng 39 na Filipino crew members ng Gulf Livestock 1 na lumubog sa karagatang sakop ng Japan.
Ayon kay Hontiveros, dapat magkaroon ng koordinasyon sa pagitan ng Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Foreign Affairs (DFA), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at Philippine Overseas Employment Administration (POEA) para sa pagbibigay ng nabanggit na tulong.
Kaugnay nito ay isinulong ni Hontiveros ang agarang pagpasa ng komprehensibong ‘Magna Carta for Seafarers’ para mabigyan ng proteksyon ang mga seafarers at kanilang pamilya.
Ayon kay Hontiveros, mas maganda kung ma-institutionalize ang agarang pagbibigay ng benepisyo at mas maayos na ugnayan ng mga marino at tripulante at ng kanilang ahensya o employer.
Ginagarantiyahan ng panukala ang mga karapatan ng tripulante tulad ng ligtas na workplaces, disenteng working at living condition at karapatang humingi ng collective bargaining agreement para sa benepisyo.
Itinatakda rin sa panukala ang mura o libreng abogado kung kailanganin ng mga tripulante at ipapasagot naman sa may-ari ng barko ang kanilang repatriation.