AYUDA | Tulong pinansyal ipagkakaloob sa mga OFW na nakansela ang flight

Nakaposisyon na ang isang team ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa Clark International Airport sa Pampanga upang magbigay ayuda sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na apektado ng bagyong Ompong.

Sa abiso ng DFA magkakaloob ang ahensya ng limang libong pisong financial assistance sa mga OFWs na nakansela ang byahe dahil sa bagyo.

Aabot na kasi sa 112 ang cancelled flights ngayong araw kung saan 72 dito ang domestic habang nasa 40 international flights naman ang nakansela base na rin sa ulat ng Manila International Airport Authority Media Affairs Division.


Maliban sa Clark mayroon ding team ang DFA sa Terminals 1, 2, at 3 ng Ninoy Aquino International Airport, Mactan International Airport at Davao International Airport para magbigay ayuda sa ating mga OFWs.

Una nang sinabi ni Foreign Affairs Secretary Allan Peter Cayetano na utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na pagkalooban ng tulong pinansyal ang mga ma-stranded na OFWs sa airport man o sa pantalan.

Facebook Comments