Manila, Philippines – Inaayos na ng Philippine Red Cross ang ayudang ibibigay sa mga apektado ng dalawang malakas lindol sa probinsya ng Batangas kung saan naitala ang epicenter ng pagyanig.
Sa interview ng RMN kay PRC Secretary General Atty. Oscar Palabyab – batay sa kanilang local chapter, pangunahing kailangan nila ang mga karagdagang ambulansya at tent na gagamitin sa mga naapektuhan ng malakas na pagyanig.
Nabatid na nanawagan na ng dagdag na tulong sa philippine Red Cross ang lokal na pamahalaan ng Mabini dahil sa dami ng mga pasyenteng kailangang ilabas ng gusali mula sa Mabini General Hospital dahil sa mga bitak na nilikha ng pagyanig.
Batay sa Batangas Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council – naitala ang ilang pagguho ng lupa sa bahagi ng Mount Maculot sa bayan ng Cuenca, habang hindi madaanan ng lahat ng mga uri ng sasakyan ang Brgy. Dela Paz at ilijan sa Batangas City dahil sa landslide.
Sa tala ng PHIVOLCS – naramdaman ang unang pagyanig alas 3:07 ng hapon kung saan naitala ang magnitude 5.6 na lindol sa 2km north west ng Mabini, Batangas na sinundan ng magnitude 6 bandang alas 3:09 ng hapon.
Sa kabila ng pagyanig, tiniyak sa interview ng RMN ni Erlington Olaveri ng PHIVOLS na walang banda ng tsunami kasunod ng nasabing pagyanig.
Kinumpirman naman ng PHIVOLCS na ang panibagong pagyanig ay may kaugnayan sa naitalang magnitude 5.5 na lindol ang Batangas City at ilang parte ng Luzon noong Martes ng gabi.
Nation”