Babae, arestado matapos gupitin ang buhok ng ‘kinainisang’ pasahero sa bus

Dinakip sa kasong pananakit ang isang babae matapos gupitin ang buhok ng babaeng kapwa nito pasahero ng bus sa Hokkaido, Japan noong Nob. 12.

Nangyari ang insidente sa Nishi Ward sa Sapporo nang mainis umano ang 51-anyos sa buhok ng 22-anyos babae na tumatama sa kanyang mukha.

Gamit ang gunting na para sa kilay, tinapyasan nito ang nakataling buhok ng biktima na agad namang nakaramdam at pinigilan ang nakatatandang babae na makababa sa bus.


Depensa ng matanda, nairita siya dahil tumatama sa kanya ang buhok ng babae na nakaupo sa upuan sa kanyang harap.

Sinabi rin nitong nainis siya dahil nakapuwesto mag-isa ang biktima sa pang-dalawahang upuan at sige sa pagse-cellphone.

Ngunit ayon sa ulat ng Japan Today, lilima lang ang tao nang oras na iyon sa bus kaya madali lang sana makakalipat ng upuan ang matanda.

Facebook Comments