Babae, inatake sa puso habang nasa libing ng inang pumanaw dahil sa coronavirus

Inatake sa puso ang isang ginang mula United Kingdom habang dumadalo sa libing ng kanyang inang pumanaw dahil sa coronavirus diesease 2019 (COVID-19).

Ayon sa report ng The Sun, Martes nang makaramdam ng pananakit ng dibdib si Laura Richards, 32, habang inililibing ang kanyang nanay na si Julie Murphy, 63, sa Atherstone Cemetery sa Warwickshire, UK.

Sa salaysay ng kapatid ni Richards na si Lisa Green, agad daw nagsagawa ng Cardiopulmonary resuscitation (CPR) ang asawa’t iba nilang kapatid para maisalba ang buhay nito bago pa man dumating ang mga paramedics.


Ngunit sa kabila ng kagustuhang mailigtas si Richards, idineklara itong patay sa ospital kalaunan.

Kwento pa ni Green, sa gitna ng pagdadalamhati, nagreklamo ng pananakit ng dibdib at tila magaang pakiramdam sa ulo si Richards kaya agad daw itong humingi ng tulong.

Saad naman ng half-sister nito na si Sadie na hindi nakadalo sa libing dahil sa karamdaman, ikinwento raw ng kanyang anak na habang ibinababa sa hukay si Murphy, dito nagsimulang hindi makahinga si Richards.

Samantala, Marso 15 nang masawi si Murphy dahil sa COVID-19 at inilibing ito sa tabi ng puntod ng kanyang asawa noong 2012.

Itinabi naman si Richards sa puntod ng kanyang ina na dinaluhan lamang ng limang kaanak dahil na rin sa lockdown rules.

Naiulat din na labis ang hinanakit ni Richards sa naging kalagayan ng ina habang nasa ospital.

Isang Linggo raw itong nagkulong sa bahay at lumabas lamang noong araw ng libing ng kanyang nanay.

Facebook Comments