Babae, itinago ang bangkay ng ina sa loob ng 4-buwan para patuloy ang pagtanggap ng pensyon nito

Photo Courtesy: Marinette County Jail/WBAY/Gray News

Marinette County, Wisconsin – Isang babae ang inaresto matapos nitong itago ang bangkay ng sariling ina sa basement ng kanilang bahay.

Kinilala ang suspek na si Paula Bergold, 59, na kasalukuyang naninirahan sa Peshtigo, Eastern Wisconsin, US.

Ayon sa pulisya, inilagay raw ni Paula ang labi ng inang si Ruby Bergold, 89,  sa isang batya na apat na buwan ng patay.


Batay sa ulat, isang kapitbahay ang tumawag sa awtoridad na nagsabing kahina-hinala raw ang kilos ni Paula ilang buwan na ang nakakalipas lalo na sa tuwing hinahanap nila ang ina nito.

Mula pa noong Mayo, hindi na raw nila nakita si Ruby at hindi na rin daw ito nasagot sa kanilang mga ipinadadalang mensahe.

Subalit parati raw sinasabi ni Paula na ayos lamang ang kanyang ina.

Ika-6 ng Setyembre nang magpasyang puntahan ng nagreklamong kapitbahay ang ginang ngunit giit raw ni Paula, hindi raw maganda ang lagay ng kanyang ina.

Dito na nagpasyang humingi ng tulong sa mga pulis ang naturang kapitbahay.

Pagdating ng mga pulis sa tahanan ng mag ina, isang sulat na nakadikit sa pintuan ang kanilang naabutan, “Ruby has gone out of town to visit some friends of ours. Paula.”

Kakaibang amoy rin ng nabubulok ang bumungad sa kanila na tila nanggagaling sa loob ng bahay at ilang mga mothballs din ang namataan sa mga pintuan.

Agad na pumasok ang mga ito at dito ay nakita nila ang upuang nababalot ng ‘Borax’, ang kemikal na ginagamit panglaba.

Dito na umamin ang suspek na inilagay niya ang ina sa isang batya at itinago sa basement ng kanilang bahay.

Sa pahayag na ibinigay ni Paula, naabutan raw niya ang wala ng buhay na ina sa isang upuan apat na buwan na ang nakakalipas at hindi raw nito magawang tawagan ang mga pulis.

Giit nito, nabubuhay na lamang kasi siya mula sa social security income at investments ng ina kaya nagpasya itong hindi sabihin ang totoo ng ilang buwan.

Samantala, isinailalim na sa autopsy ang labi ni Ruby at humaharap naman sa patung-patong na kaso ang anak nito.

Facebook Comments