Babae na may Sakit sa Pag-iisip, Ginahasa ng kanilang Trabahador

Cauayan City, Isabela- Arestado ang isang lalaki matapos umanong gahasain ang isang babaeng may kapansanan sa pag-iisip Pamplona, Cagayan kahapon, Agosto 2.

Batay sa ulat ng Pamplona Police Station, kinilala ang suspek na si alyas Rommel, 30-anyos, may asawa at residente ng Brgy. San Juan, Sta. Marcela, Apayao habang ang biktima ang nakilalang sa alyas Angela,21-anyos at residente ng Pamplona.

Dakong alas-3:30 kahapon, nagtungo sa pulisya ang biktima kasama ang kanyang guardian para i-report ang ginawa umanong panghahalay sa biktima ng naturang suspek.


Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, nagtungo ang suspek sa bahay ng biktima upang payuhan na pumunta ito sa bukirin ng kanyang guardian sa Brgy. Centro kung saan nagsisilbing trabahador ang suspek.

Kaagad na napansin ng biktima na wala namang ibang tao sa bukid bukod sa suspek at dito na sinamantala ng suspek ang sitwasyon ng biktima at inimbitahan sa loob ng bahay at ginawa ang panggagahasa.

Nang maisumbong sa pulisya ang insidente ay agad na nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga tauhan ng PNP Pamplona na nagresulta ng pagkaaresto sa suspek.

Isinailalim naman sa pagsusuring medikal ang biktima ng Rural Health Unit habang nasa pangangalaga ng pulisya ang suspek na mahaharap sa kaukulang kaso.

Facebook Comments