Cauayan City, Isabela- Nagpositibo sa bagong COVID-19 variant ang isang Pinay na OFW na galing Pilipinas pagdating nito sa Hong Kong.
Ayon sa Department of Health (DOH), residente ng Hong Kong ang 30-anyos na babae na dumating noong December 22 mula sa Pilipinas sakay ng flight PR300.
Nabatid na umalis ang Pilipinang pasahero sa Cagayan Valley noong Disyembre 17, 2020 at dumating sa Metro Manila noong Disyembre 18 kung saan isinailalim ito sa quarantine measures.
Sumailalim ito sa RT-PCR test noong Disyembre 19 kung saan nagnegatibo naman ito sa COVID -19 at bumiyahe patungong Hong Kong noong December 22 at agad na sumailalim sa panibagong quarantine.
Muling isinailalim sa swab testing ang nasabing Pinay noong Enero 2, 2021 kung saan nagpositibo na ito sa panibagong variant ng COVID-19.
Gayunman, nasa mabuting kalagayan naman ang pasyente at nagsawaga na rin ng contact tracing ang DOH upang matukoy ang mga nakasalamuha nito sa pinanggaling probinsya maging sa kanyang biyahe.