Babae na sangkot sa malakihang investment scam, timbog sa Tarlac City

Hawak na ng pulisya ang babaeng itinuturong sangkot sa malakihang investment scam matapos na maaresto sa Tarlac City.

Kinilala ang nadakip na si Marjorie Villanueva, 34-anyos at kasalukuyang naninirahan sa nabanggit na lungsod.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel Jerrold Jake Manguerra, hepe ng Tarlac City Police, natunton nila ang kinaroroonan ng babae sa isang exclusive subdivision sa Barangay Central.


Sa kuwento ni Manguerra, tinangkang ayain ni Villanueva ang kaniyang kapitbahay na mag-invest ng pera sa kanya saka sinabing palalaguin niya ito.

Matapos nito ay agad humingi ng tulong sa mga pulis ang kapitbahay at dito na nabatid na mayroong nakabinbing warrant of arrest si Villanueva sa Pasay City Regional Trial Court.

Batay sa imbestigasyon, tinangay nito ang pera na aabot sa ₱30,000,000 at saka nagtago sa lalawigan ng Tarlac.

Dahil diyan, nanawagan ang pulisya sa mga nabiktima ni Villanueva na makipag-ugnayan sa kanila para masampahan ang naaresto ng large scale estafa.

Facebook Comments