2 PATAY SA SUMALPOK AT NASUNOG NA SASAKYAN SA ECHAGUE, ISABELA

25
Cauayan City, Isabela- Patay ang dalawang lulan ng sasakyan sa nangyaring aksidente sa kahabaan ng Barangay Castillo, Echague, Isabela nitong Sabado ng hapon, Hunyo 11, 2022.

Sa nakuhang impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan sa Echague Police Station, nakilala ang mga nasawing biktima na sakay ng pulang Honda Civic Sedan na may plakang TMJ 168 na sina Wilson Alambay, 24 taong gulang, binate, residente ng brgy. Babaran, Echague at Rogelio Daria, 43 taong gulang, drayber ng nasabing sasakyan at residente naman ng brgy. Buneg, Echague, Isabela.

Batay sa imbestigasyon ng PNP Echague, binabaybay ng sasakyan ang National Highway patungong bayan ng Alicia, Isabela at nang mag-overtake ito sa sinusundang sasakyan ay nawalan umano ng control ang drayber kaya dumeretso at sumalpok sa concrete barrier sa south bound lane.

Tumilapon ang sasakyan sa palayan maging ang dalawang sakay na mga biktima at kalauna’y nagliyab ang sasakyan hanggang sa tuluyang nasunog.

Naapula naman ito ng mga rumespondeng kasapi ng BFP.

Naunang naideklara na dead on arrival sa pagamutan si Alambay habang binawian din ng buhay ang tsuper na si Daria habang nagpapagaling sa Southern Isabela Medical Center (SIMC) sa Santiago City.

Facebook Comments