Isang babae sa Ethiopia ang hindi nagpapigil sumagot sa kanyang school exam kahit 30 minuto pa lang ang nakalipas mula nang manganak siya.
Kukuhanin sana ni Almaz Derese, 21, mula sa Metu, Western Ethiopia, ang pagsusulit bago ang kanyang due date, kaso ay na-postpone ito dahil sa Ramadan.
Sa kagustuhang makapagtapos agad at hindi na ma-delay pa ng isang taon, hindi ginawang dahilan ni Almaz ang pagbubuntis para hindi magpatuloy sa pag-aaral.
Aniya hindi naging problema sa kanya ang pag-aaral habang buntis, kaya maski noong nagla-labor na ay hindi siya nahirapan, dala na rin ng pagmamadaling makapag-exam na.
Sinagutan niya ang kanyang English, Amharic, at Maths exams sa hospital bed, at kukunin na lang ang iba pang subjects sa exam centre.
Ang asawa niya namang si Tadese Tulu ang nakiusap sa paaralan na payagan siyang mag-exam sa ospital.
Maganda naman daw ang naging resulta ng exam ni Almaz at mabuti ang lagay ng kanyang baby boy.
Sa ngayon, plano ni Almaz na kumuha ng 2-year course bilang paghahanda sa unibersidad.