Babae, patay matapos tamaan ng tumilapong gulong ng trak

Naglalakad kasama ang alagang aso nang masawi ang isang babae sa Georgia, US matapos masalpok ng lumipad na gulong mula sa umaandar na trak noong Linggo, Disyembre 15.

Natagpuan ang biktimang si Kimberly Touchton na nakadapa sa 10 hanggang 15 talampakan ang layo mula sa kalsada, ayon sa Houston County Sheriff’s Office.

Ayon sa awtoridad, natagpuan si Touchton ng kanyang fiance na hinanap siya matapos na umuwi mag-isa ang alaga niyang aso.


Isinugod ang biktima sa emergency room ng Houston Medical Center, ngunit hindi na nasagip pa.

Namataan naman sa kalsada kung saan natagpuan si Touchton ang inabandonang pickup truck na may nawawalang gulong sa harapan.

Kinilala ang nagmamaneho ng trak na si Brian Seth Carmichael na kinasuhan sa sumunod na araw ng “misdemeanor for failure to report an accident causing injury or death.”

Nakalaya rin si Carmichael matapos magpiyansa ng $2,600 (higit P130,000) makaraang sumuko noong Lunes.

Facebook Comments