Babae, patay matapos tumalon mula sa bus na nawalan ng kontrol; 1 bata, nasawi rin

(Courtesy: Dennis Datu Twitter)

Nasawi ang isang babae kabilang ang 12-anyos na bata matapos mawalan ng kontrol ang isang shuttle bus sa Carmona, Cavite Linggo ng gabi, Oct. 27.

Kinilala ang biktima na sina Gemma Protacio, isa sa mga pasahero at Andrea Ancheta, batang sakay ng tricycle na inararo ng naturang bus.

Ayon sa imbestigasyon, hinahabol ng mga pulis ang shuttle bus matapos nitong takbuhan ang nasagasaan nitong babae sa kahabaan ng Governor’s Drive.


Tumatawid raw noon si Lily Villamor Amotes nang mahagip ng bus ngunit imbes na babain at dalhin sa ospital ay dire-diretsong nagpatakbo raw ang driver na si Eutiquio Oliveros.

Dito na hinabol ng mga pulis ang bus at nang maipit sa trapiko, saka tumalon si Oliveros.

Sakay ang mga pasaherong pawang mga factory workers, nawalan ng kontrol ang bus kaya nagpasya ang isa sa mga pasaherong si Protacio na tumalon rin kung saan nabagok ang ulo nito sa kalsada na kanyang agad na ikinamatay.

Dito na nabangga ng bus ang isang truck at tricycle na nakapasada sakay ang mag-amang Drexter at Andrea Ancheta.

Nakaligtas si Drexter ngunit nasawi ang kanyang anak.

Samantala, patuloy namang pinaghahanap ng Carmona police ang driver ng shuttle bus.

Facebook Comments