Babae, pinatay ng kinakasama matapos umano itong mag-‘I love you’ sa kausap sa telepono

3169

ALCALA, Pangasinan – Patay ang isang 27-anyos na babae nang gilitan ng sariling kinakasama matapos umano itong mag-I love you sa kausap niya telepono.

Kinilala ang biktimang si Tricia Mae Tandoc, karelasyon ng suspek na si Rodel Mabalot, parehong residente ng Brgy, San Pedro Apartado, Pangasinan.


Ayon sa ulat ng Alcala Police Station, naganap ang krimen sa mismong bahay ng dalawa matapos umanong magsumbong ang 4-anyos nilang anak tungkol sa kausap ng biktima sa telepono.

Sinalubong daw ng anak ang suspek at sinabing narinig niya ang ina na nag-I love you sa katawagan.

Dito raw ay agad na kinompronta ng suspek ang asawa hanggang sa mauwi sa mainit na pagtatalo ang dalawa.

Gamit ang kinuhang kutsilyo ay sinaksak ni Mabalot si Tandoc sa leeg at likod saka ginilitan pa raw sa leeg.

Matapos nito ay tinangka rin daw maglaslas sa sarili ng suspek na agad namang naidala sa ospital ng mga kaanak.

Samantala, selos ang nakikitang pinagmulan ng naturang krimen.

Kasalukuyan namang inaalam kung magsasampa ang pamilya ng biktima laban sa suspek.

Facebook Comments